Baybayin Codes

Karamihan sa mga Filipino ay hindi alam ang kahalagahan ng lumang sistema ng pagsulat; hindi rin nila alam kung paano magagamit ngayon ang sinaunang panitik Tagalog na kilala sa pangalang Baybayin.

Sa kasalukuyan, kapag marunong kang sumulat at bumasa ng Baybayin ay tinatawag kang Baybayinista. Hindi lamang iyan, dahil ang Baybayin ay isinusulong bilang pambansang panitik ng ilang pulitiko, ito ay binabansagan na isang produkto ng "purist nationalism" o "Filipino-ness."

Ngunit, ang aming pangunahing layunin ay ibahagi ang Baybayin sa mga Tagalog at sa mga gustong matuto nito, hindi lamang maging palamuti kundi mapakinabangan ng lipunan. Kaya, kasama ang ibang mga Baybayinista, inaaral namin ang iba't ibang anyo ng mga simbolo ng Baybayin at ang paggamit nito sa panahon ngayon.

Para maisaulo ang mga simbolo ng Baybayin, may ginawa kaming codes at infographics para sa bawat pangkat ng Baybayin. Bawat Baybayin code ay ginagamit sa pagtukoy kung ang pangkat ng Baybayin ay sinauna o moderno. Ang mga Ba15, Ba16, at Ba17 codes ay kasama sa kategorya na tradisyonal na Baybayin. Ang Ba17+, Ba18, at ang mga may higit pa sa 18 simbolo ay kasama sa kategoryang "modified" o modernong Baybayin. 

Ito ang isang sampol na tsart na may Baybayin codes:



Tradisyonal na Baybayin

Ang Ba15 na may 15 simbolo ng Baybayin (3 patinig, 12 katinig) ay nakuha sa tsart ni Melchisedec Thevenot.

Ang Ba16 na may 16 simbolo ng Baybayin (3 patinig, 13 katinig) ay nanggaling naman sa tsart ni Martinez Vigil.

Ang Ba17 na may 17 simbolo ng Baybayin (3 patinig, 14 katinig) ay mula sa Doctrina Christiana.

Modified Baybayin

Ang Ba17+ na may 17 simbolo ng Baybayin (3 patinig, 14 katinig) ay nagmula sa Doctrina Christiana ngunit dinagdagan ni Francisco Lopez ng krus sign (+) bilang virama.

Ang Ba18 na may 18 simbolo ng Baybayin (3 patinig, 15 katinig) ay mula rin sa Doctrina Christiana ngunit ang simbolong Ra ay idinagdag mula sa Zambales script. Ito ay mungkahi ni Ignacio Villamor.

Bawat simbolo ng Baybayin ay may kanya-kanyang anyo at ang mga Baybayinista rin ay may kanya-kanyang tatak o sulat-kamay. Sa kasalukuyan, isa ako sa mga founder ng Sulong Baybayin movement na nagpapahalaga at nagpapamana ng Baybayin sa aming pamilya at maliliit na komunidad.

Ano ang inyong masasabi?





Sumali sa aming diskusyon sa Facebook: 


Sulong Baybayin! 
Mabuhay ang Baybayinista!

Comments

Popular Posts